Monday, January 22, 2018
politiko-politics-ph-logo

Milky B. Rigonan: Citizen Pnoy

Martes ng hapon, December 12 nang ipadala ng Blue Ribbon Committee ang imbitasyon kay dating Pangulong Noynoy Aquino para dumalo sa hearing sa kontrobersiya ng pagbili ng Dengvaxia vaccine.

Kung tutuusin, short notice pero nakahandang dumalo si Pnoy kaya agad na pinaunlakan ang imbitasyon ng Senado.

May option si Pnoy na tanggapin o tanggihan ang imbitasyon. Nilinaw din naman ni Senator Richard Gordon, Chairman ng Blue Ribbon Committee na hindi nila pipilitin at irerespeto nila sakaling hindi pagbigyan ni Pnoy ang imbitasyon ng kumite.

Pero kahit short notice, nagpunta si Pnoy. Bukod sa ini-expect niya ang imbitasyon ng Blue Ribbon Committee, makabubuti na humarap at magpaliwanag siya sa public hearing.

Hindi first time sa isang dating Pangulo ng bansa na dumalo sa Senate hearing. Bago si Pnoy, dumalo na rin sa pagdinig ng Senado si dating Pangulong Fidel Ramos noong 2000 dahil sa kontrobersiya ng Centennial Expo sa Pampanga.

Dumalo din si FVR sa hearing ng dalawang kapulungan ng Kongreso para linawin ang Smokey Mountain Development and Reclamation Project gamit ang pondo ng OWWA at noong 2006 naging resource person si FVR sa Senate hearing tungkol sa Masinloc plant kaugnay ng privatization deal ng PSALM at YNN Pacific Consortium.

2003 nang pagbigyan din ni dating Pangulong Joseph Estrada ang imbitasyon ng Senado para linawin ang multi-million dollar deal ng gobyerno sa IMPSA na nakabase sa Argentina.

Sa pagtestigo ni Erap, inamin niya ang tangkang panunuhol sa kanya ng IMPSA para bilisan ang rehabilitasyon at operasyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan plant sa Laguna.

Si Pnoy ang ikatlong dating Presidente na humarap sa Senate investigation.

Matagal na hinintay ng publiko ang paliwanag ni Pnoy. Ang Senate hearing ang tamang venue para marinig ang mga paliwanag ng nagdaang administrasyon dahil sa ilalim ng liderato ni Pnoy napagtibay ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at Sanofi Pasteur sa pagbili ng Dengvaxia vaccine sa halagang P3.5B.

Lumipas ang isang oras bago nakapagbigay ng opening statement si Pnoy dahil sa haba ng statement ni Gordon. Ikinatuwiran ng dating Pangulo, he acted in good faith. Noong 2015, tumaas ang insidente ng dengue cases. Ininform siya ng DOH na may vaccine na pwedeng makalutas sa pagtaas ng dengue cases sa bansa kaya nakipagkita siya sa mga opisyal ng Sanofi sa China habang mayroon siyang working visit doon.

Katuwiran ni Pnoy ginawa niya lang ang dapat gawin nang panahong iyon, “kung di lumabas itong sinabi ng Sanofi at nagdesisyon ako na hayaan na lang magdusa pa ang mga Boss ko gayung may bakuna na, palagay ko ngayon, iba ang tanong nyo at asunto sa akin: “Bakit mo pinabayaan ang mga Pilipino”?

Maging si Senator JV Ejercito ay naniniwala na Pnoy acted in good faith. Posibleng umaasa si Pnoy sa report sa kanya ni dating Health Secretary Janet Garin at iba pang mga opisyal dahil pangunahing concern noon ng dating Pangulo na hindi na madagdagan ang dengue cases sa bansa.

Sa January naka-schedule ang hearing ng Senate Committee on Health sa isyu pa rin ng Dengvaxia vaccine pero wala ng balak si Ejercito na ipatawag si Pnoy.

Sabi ni Ejercito, tama ang concern ni Pnoy na maiwasan noon ang pagtaas ng kaso ng dengue pero papaano naman ang paggamit ng pondo? Malaking halaga ang P3.5B at karapatan ng mga taxpayers kung papaano ito ginamit, bahagi ba ito ng midnight deal ng Pnoy administration at papaano ang mahigit 700,000 na mag-aaral na mistulang “guinea pigs” sa bakuna na hindi pa siguradong epektibo kontra dengue?

Hindi natatapos sa pagharap ni Pnoy sa Senate hearing ang kontroberisya sa Dengvaxia vaccine. Bukod sa kalusugan ng mga bata, isyu ang malaking pondong inilaan sa pagbili ng bakuna. Ito ang dapat linawin hindi lang ni Garin kundi lalo na ni dating Budget Secretary Butch Abad.

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Politiko Poll

Quick Links
Connect With Us
Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.