metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Ceasefire sa bangayan?

88

Ika nga, all’s well that ends well.

Nag-meeting ang mga lider ng Senado at Kamara at nagkasundo na itigil ang mga bangayan na may kinalaman sa charter change.

Sa meeting nina Senate President Koko Pimentel, Senate Majority leader Tito Sotto, House Speaker Pantaleon Alvarez at House Majority leader Rodolfo Farinas, nagkasundo na bumuo ng specific models para sa panukalang pagbabago sa porma ng gobyerno.

Habang pinag-uusapan ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso, itutuloy pa rin ang kunsultayon sa Mindanao at hearing ng Senate Committee on Constitutional Amendments, Revision of Codes tungkol sa chacha.

Bukod dito, sinimulan na rin ng Senate Committee on Local Government ang hearing sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law. Ginanap ang BBL hearing sa Cotabato City at Marawi City na pinangunahan ni Senator Migz Zubiri, Chairman ng Committee on Local Government.

Sa panig ng Executive branch, binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Consultative Committee at nagtalaga ng labing-siyam na miembro na mag-aaral at magbibigay ng mga rekumindasyon sa pagrepaso sa 1987 Constitution.

Kung susundin ang mga napagkasunduan, dapat hayaan na umusad ang proseso sa isyu ng chacha.

Pero hirit naman ng ilang Senador, dapat sabihin sa kanila ni Pimentel kung ano ang napag-usapan at napagkasunduan sa caucus. Mahirap nga naman mag-commit kung hindi nalalaman ang agreement ng magkabilang panig.

Dahil may kasunduan na ang mga lider ng Kongreso, dapat tigil na ang bangayan at mga patutsada na “mabagal na Kapulungan”.

Sa totoo lang, maraming dapat pagkaabalahan ang Kamara at Senado bukod sa chacha.

Maraming mga nakatengga na panukalang batas na dapat unahin sa halip na masentro ang atensiyon ng mga mambabatas sa isyu ng pag-amyenda sa ating saligang batas.

Dapat matutukan ang kani-kanilang trabaho habang may oras pa na talakayin ang iba pang bills na dapat pagtibayin.

Kung masusunod kasi ang timetable ng Kamara, baka Mayo mai-akyat na sa Senado ang impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Bukod pa dito, marami pang ganap sa Senado gaya ng mga hearing sa PCSO controversy, isyu ng dengvaxia vaccine, resumption ng hearing sa mga anomalya sa Bureau of Customs at iba pa.