metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Black eye

156

Di lang publiko kundi maging si pangulong Rodrigo duterte ang dismayado sa desisyon ng Department of Justice na nagbasura sa drug charges laban sa mga kilalang drug traffickers na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa.

Giit din ng mga Senador, maraming dapat ipaliwanag si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa naturang desisyon.

Binigyang dii n ni Senator Richard Gordon, Chairman ng Committee on Justice, mismong si Espinosa ay umamin sa public hearing ng Senado na sangkot siya sa illegal drug trade.

Sabi ni Gordon, ano pa bang ebidensiya ang hinahanap ng DOJ gayung umamin mismo si Espinosa sa public hearing ng Senado na sangkot siya operasyon ng iligal na droga.

Pero sabi ni Gordon, pwedeng may “play” sa desisyong ito ng DOJ. Baka anya kasama sa plano ay i-absuwelto si Espinosa kapalit ng pagiging state witness nito laban kay detained Senator Leila de Lima.

Sa panig ni Senator JV Ejercito, tila nasa clearing spree ngayon ang DOJ dahil nabalewala ang mga resulta ng imbestigasyon kahit malinaw ang pagkakasangkot ng naturang mga personalidad sa operasyon ng droga.

Bago pa man pagpaliwanagin sa Senado, sa mga media interview ni Aguirre, ipinaliwanag nito na pinalitan niya na ang panel na nagbasura sa mga kaso ng naturang mga high profile drug traffickers.

Tumanggi si Aguirre na aminin na mahina ang prosecution panel pero aminado ang Kalihim na baka na-overlooked ang mga testimonya ni Espinosa sa Senate hearing kaya gagamitin ito sa isusumite nilang motion for reconsideration.

Dagdag pa ni Aguirre, hindi pa rin off the hook sina Espinosa, Lim, Co at iba pa sa kaso ng droga dahil rerepasuhin pa ito at iaakyat sa kanyang tanggapan.

Sa kabila nito, hindi na mababawi ang impression ng publiko sa war on drugs ng Duterte administration.

Malaking black eye ito sa war on drugs ng gobyerno at sa effort ng PNP-CIDG na maipakulong ang mga “big fish” na sangkot sa mga sindikato ng droga.

May lalakas pa ba sa personal admission sa isang public hearing na sangkot siya sa operasyon ng illegal drugs para hindi maisulong ang kaso laban sa mga ito?

Kaya di rin maiwasan na magtanong ang publiko na kung ibinasura ang kaso laban kina Espinosa, Go, Lim at iba, dapat i-absuwelto at palayain na rin si detained Senator Leila de Lima.

Patunay sana na seryoso ang war on drugs ng Duterte administration kung nakasuhan sina Espinosa, Go at Lim na kilalang “big fish” sa illegal drug trade.

Sa interview kay Ozamis City Police Chief Inspector Jovie Espenido, kinumpirma nito na kahit nakakulong, tuloy-tuloy pa rin ang drug operations ni Espinosa at kasama nito ang kanyang mga kapatid sa pagtutulak ng iligal na droga.

Si Espenido ang nagsampa ng kaso kay Espinosa nang pangunahan nito ang raid sa bahay nito sa Albuerra noong 2016.

Sana lahat ng mga na-overlooked na ebidensiya ng DOJ ay makasama sa gagawing review sa kaso matapos magsampa ng motion for reconsideration ang ahensiya.

Uulitin ko lang ang warning ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Aguirre, “Pag nakawala yan si Lim at Espinosa, siya (Aguirre) ang ipapalit ko. I can review that dismissal order. Umamin na nga sa Congress! Why not admit it as evidence against him!”