metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Bigyan ng pagkakataon ang BOL…

197

Kapi-pirma pa lang ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging batas ang Bangsamoro Organic Law.

Bukod sa Moro Islamic Liberation Front, maraming mga taga-Mindanao ang naniniwala na malaki ang maitutulong ng BOL para matamo ang kapayapaan sa Mindanao.

Matagal na hinimay ang BOL sa mga isinagawang hearing ng Senado kasabay ang pag-asa ng mga taga-Mindanao na makatutulong ang batas para makamit ang matagal nang hinihintay na katahimikan sa naturang rehiyon.

Pero di pa man nagtatagal nang maisabatas ang BOL, nagkasunod-sunod ang mga insidente ng pagsabog sa Basilan at Sultan Kudarat.

Ito ang dahilan kaya muling kino-consider ng Palasyo na i-extend muli ang martial law sa Mindanao.

Ngayon pa lang, nilinaw na ng Senado na kailangang pag-aralan muna kung may pangangailangan ba para sa Martial law extension.

Malabo din na agad itong ikunsidera ng Senado dahil malinaw sa batas, papayagan ang panibagong extension ng Martial law kung may banta ng rebellion o actual invasion.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, wala pang commitment ang Senado sa plano ng Palasyo para sa posibleng Martial law extension.

Sabi ni Sotto, hihintayin ng Senado ang ibibigay na briefing ng Armed Forces of the Philippines para ma-assess ng Senado kung may pangangailangan na palawigin ang Martial law.

Una rito, inamin ng AFP na expected ang panggugulo ng ilang grupo para tutulan ang implementasyon ng BOL.

Pero sabi nga ng MILF, iilan lang ang tutol sa BOL at karamihan ay kumpiyansa na makatutulong ang batas para sa lasting peace sa Mindanao.

Kung buo ang kumpiyansa ng mga taga-Mindanao sa BOL, dapat hayaan ng gobyerno na maka-take off ang batas at maipatupad ang mga probisyon ng batas para sa mga nakararaming residente ng rehiyon.

Sa panig ng MILF, ito ang pagkakataon para ipakita sa gobyerno na handa silang bantayan ang kanilang mga lugar para hindi magtagumpay ang iilang grupo na gustong maghasik ng kaguluhan.

Una nang pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang extension ng Martial law sa Mindanao hanggang sa buwan ng Disyembre.