metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Bakit dedma ang DOF?

142

Dahil nakadidismaya na ang talamak na corruption sa Bureau of Customs, napilitan si Pangulong Rodrigo Duterte na italaga ang Armed Forces of the Philippines para bantayan ang BOC.

Kung noon, mga sibuyas, spare parts, bigas o ukay-ukay lang ang naipupuslit sa Customs, ibang usapan na ngayon. Tone-toneladang shabu na bilyong piso ang halaga ang nakalulusot nang hindi man lang daw namamalayan ng mga opisyal ng BOC.

Marami ang nagre-rekuminda na para magkaroon ng pagbabago sa BOC, mismong si Pangulong Duterte na ang mamuno sa operasyon ng Customs.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, ang ginawang pagsibak ni Pangulong Duterte kay Isidro Lapena ay patunay ng “zero tolerance” nito sa mga sangkot sa katiwalian at mga pasaway sa war on drugs ng administrasyon.

Sa panig naman ni Senate President Tito Sotto, madaling sabihin pero mahirap anyang gawin ang panukala na mismong si Pangulong Duterte ang mamuno sa BOC.

Sabi ni Sotto, maraming trabaho ang Pangulo at hindi lang ang pagsugpo sa katiwalian sa naturang ahensiya ang dapat nitong atupagin.

Paliwanag ni Sotto, bigyan ng pagkakataon si bagong Customs Commissioner Leonardo Guerrero na maipatupad ang mga reporma sa BOC.

Pero nagkakaisa ang mga Senador na kailangan ang complete overhaul sa Bureau of Customs.

Sa kabilang banda, risky din kung mismong si Pangulong Duterte ang mamuno sa BOC dahil hindi overnight ang paglutas ng katiwalian sa naturang ahensiya. Marami nang mga administrasyon ang nagdaan, hindi nabibigyan ng solusyon ang talamak na graft and corruption. Kung si Pangulong Duterte ang mamumuno sa BOC, di maiiwasan ang mataas na expectation ng publiko at inaasahan na agad-agad may “milagrong” magagawa ang Pangulo.

Sa mga kapalpakan ng mga opisyal ng gobyerno, ang latay ng sisi ay lagi sa Malacanang kaya hindi rin maiiwasan na uminit ang ulo ng Pangulo sa mga sabwatan at palusot sa BOC.

Pero ang nakakalimutan ay ang kawalan ng aksiyon ng Department of Finance sa kabila ng napakaraming kontrobersiya sa Customs.

Ang BOC ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng DOF pero bakit tahimik si Finance Secretary Sonny Dominguez sa mga katiwalian sa Aduana kahit nalulusutan ng tone-toneladang shabu ang ahensiya?

Siguro naman, dapat din mabahala si Dominguez dahil bilyones na halaga ng shabu ang basta na lamang nakapupuslit sa BOC at hindi puro kuleksiyon ang inaatupag ng DOF.

Nasaan ang command responsibility? Mas marami ang hahanga sa patakaran ng Palasyo kung umabot sana kay Dominguez at hindi lamang kay Lapena ang galit ng Pangulo dahil hindi pwedeng palampasin na naipupuslit ang tone-toneladang shabu nang hindi man lang “naamoy” ng mga opisyal ng BOC.