metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Back burner

82

Goodbye cha-cha na ba sa Senado?

Di man direktang ibinabasura ang pag-amyenda sa saligang batas, malinaw na ang posisyon ng mga Senador na hindi prayoridad ang cha-cha sa ilalim ng 3rd regular session ng 17th Congress.

Ibig sabihin, lahat ng majority at minority Senators ay united kontra cha-cha.

Ito ang resulta ng ipinatawag na all Senators’ caucus ni Senate President Tito Sotto.

Para hindi sabihin na binabalewala ng Senado ang cha-cha na pangunahing isinusulong ng Malacanang, sinabi ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na nagkasundo sila ng huwag madaliin ang pagtalakay sa cha-cha at kailangan ang mas mahabang mga kunsultasyon at dayalogo.

Katuwiran ng mga Senador, kamakailan lang nai-submit ng consultative committee ang draft federal constitution. Sa ginanap na all Senators’ caucus, pinuna ng mga Senador ang maraming loopholes ng draft federal constitution.

Lalong nagkaroon ng dahilan ang mga Senador na huwag madaliin ang pagtalakay sa cha-cha at sa halip habaan ang mga hearing at kunsultasyon.

Halos lahat din ng mga Senador ay tutol sa federalism o pagpapalit ng sistema ng gobyerno sa federal form.

Katuwiran ng mga Senador, sa lahat ng mga survey, hindi prayoridad ng taongbayan ang cha-cha. Mas concern ang publiko sa mga isyung may kinalaman

sa araw-araw nating kabuhayan – mataas na presyo ng mga bilihin, papaano pagkakasyahin ang katiting na sweldo, perwisyong traffic at iba pa.

Aabangan ang magiging relasyon ng Senado at Kamara sa liderato ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Sabi ni Senate President Tito Sotto, kahit sino pa ang maluklok bilang House Speaker, kailangan ang suporta ng dalawang kapulungan ng Kongreso para maisulong ang mga panukalang batas ng Duterte administration.

Kung totoo ang report na pangunahing assignment ni GMA matapos palitan si dating Speaker Pantaleon Alvarez ay isulong ang cha-cha, papaano ito uusad kung ngayon pa lang, malinaw na ang posisyon ng Senado na hindi prayoridad ang pag-amyenda sa ating saligang batas.

Ika nga, ang mga gagawing mahabang kunsultasyon, hearing at pagtalakay sa cha-cha ay paraan para tuluyan nang mailagay sa back burner ang cha-cha.