metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Ang tunay na survey

201

1 out of 4 Pinoys ang hindi pabor sa cha-cha o di naman kaya hindi nauunawaan ano ba ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno tungo sa federal system.

Ito ang resulta ng mga survey na dapat malinaw na nakararating ang mensahe sa ating mga mambabatas na di prayoridad ng taongbayan ang chacha.

Sa Senado, nagpapatuloy pa rin ang public hearing sa proposal na amyendahan ang ating saligang batas.

Sabi nga ni Senator Francis Pangilinan, Chairman ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, kailangan ang tuloy-tuloy na kunsultasyon para mahimay ng mabuti ang mga posisyon at opinyon sa pagpapalit sa sistema ng gobyerno.

Pero sa totoo lang, sa mga hearing ng kumite, mahabaan ang talakayan, palitan ng opinyon, paligsahan ng husay sa interpretasyon ng batas, puro matatalino at eksperto. Sa halos dalawang oras na pakikinig sa hearing, resulta, nose bleed.

Ito siguro din ang dahilan kaya kahit nagsagawa ng mga Senate hearing on cha-cha sa ibat-ibang mga probinsiya, mababa ang interes ng publiko.

Hindi nakararating ang mensahe na dapat ipaabot at malaman ng taongbayan na silang direktang maaapektuhan ng ano mang pagpapalit sa sistema ng gobyerno.

Kung ang maririnig nga naman ng mamamayan sa mga ginagawang forum, consultations and public debates sa cha-cha ay tungkol sa term extension, malaking turn off ito sa publiko.

Sa statement ng mga Senador, mas nakararami sa mga ito ang pabor na bigyan ng pagkakataon ang mahabang discussion at huwag madaliin ang cha-cha.

Magsisimula muli ang sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa July 23 at maliban sa cha-cha, mas unahin ang mga panukalang batas na makatutulong sa kabuhayan ni Juan dela Cruz.

Sana rin pakinggan ng Malacanang at Kongreso ang tunay na survey – hindi prayoridad ng taongbayan ang pagpapalit sa sistema ng gobyerno kaya walang interes ang publiko kahit gawing 24/7 pa ang talakayan sa cha-cha.

Walang popular clamor para sa bagong konstitusyon.

Lalong wala rin garantiya na ang shift sa federal system ang sagot o cure-all sa napakaraming problema ng ating bansa.

Pwede bang unahin muna ang araw-araw na problema ni Juan de la Cruz – mataas ng presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, traffic etc. etc. etc.

Ito ang mga sentimyento ng publiko at hindi kasama dito ang cha-cha.