metromanila.politics.com.ph

Michael Fajatin: “Noli Me Tangere, Soy Filipino ( Huwag mo ako salingin, Ako ay Filipino)”

550

Pasensya na mga kaibigang DDS at Dilawan at kailangan ko lang na sabihin ito. Dahil pinalaki ako ng tatay ko na dapat magsabi ng totoo.

Hindi lang po sa paniniwala nyo umiikot ang mundo ng Pilipino. Karamihan sa amin walang politikong inaasahan at kapakanan lamang ng Inang Bayan ang inaasam.

Huwag nyo po sana kami idamay sa galit nyo sa isat-isa. Sa mga salita, tuligsa at patutyada na minsan hindi na makatao at wala nang respeto, taliwas kase ito sa kinagisnan ko na turo ng nanay ko.

Dahil naniniwala pa din kami sa kahalagahan ng pagkakaisa. Sa nararapat na reporma. At sa daan kung saan lahat tayo maaring sumangayon sa pagbabago, dahil tayo ay Pilipino. Yan naman ang natutunan ko sa lola ko.

Kapag bumatikos ako kay Pangulong Duterte dahil di ako sangayon sa ilan sa mga polisiya ng gobyerno, wag mo sana ako agad na tawaging Dilawan. At kapag binatikos ko naman ang mga maling nagawa ni Pnoy; noon at ngayong wala na sya sa pwesto, wag mo sana ako agad na ipagpalagay na DDS… Para lamang matahimik ang puna na may batayan. Pagkat para din ito sa iyong kapakanan.

Kapwa sila may nagawa o nagagawa alam ko. Tulad ng mga nagdaang pangulo ng ating Bansa. Pero tulad ng lahat, hindi lahat ay kapuri-puri. Kailangan tuparin ang mga pangako ng kampanya kung paniniwalaan ang integridad ng kanilang panununkulan.

Gayundin sa sinomang politiko at opisyal na lilihis sa sinumpaang tunkulin at serbisyo publiko. Mataas ang respeto ko sa kanilang posisyon hanggang sa ibaba nila ang kanilang mga sarili sa katiwalian.

Ipapaalala ko lang din na ang kanilang kapangyarihan ay mula sa mamamayan. At mamamayan din ang dapat pumuna sa kapangyarihang nagluklok sa kanila.

Dahil namulat ako sa pagsasanay na walang kinikilingan. At isa lamang ang dapat panigan. Hindi isang grupo, sektor o politiko kundi ang Bayan ko.

Magusap tayo sa mga punto, panukala at paniniwala. Hindi sa pangaalipusta ng itsura, kalagayan at antas ng pinagaralan.

Magkita tayo sa mata. Magkarinigan ng mga boses. Hindi lang sa social media dapat tumigil ang diskusyon.

Magkamay kung magkasundo. At magkamay pa rin kahit hindi nabago ang mga paniniwala.
Yan din kase ang kinagisnan at turo ng lolo ko.

Hindi ako dapat umasa sa gobyerno kung nais na mabago ang buhay ko. Bagkus dapat umasa ang gobyerno sa pakikipagtulungan ng Taong Bayan kung nais nitong magtagumpay ang pamahalaan.
Ito natutunan ko na sa sarili ko.