metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Mag-iba na ng tono

293

Marami ang nakulangan.

Marami ang bigo sa gusto nilang marinig.

Walang mga policy tungkol sa mga dapat sanang gawin ng gobyerno sa paglobo ng inflation, kakulangan ng supply at mataas na presyo ng bigas at bilihin.

Marami ang nag-abang, nakinig at nanood sa tete-a-tete ni Pangulong Rodrigo Duterte at Chief Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Walang pinag-iba sa mga speech ng Pangulo na lagi na lang naka-sentro sa war on drugs at sa kanyang mga kritiko.

Buong akala ng publiko, sesentro na sa economic policy.

Ayon kay University of the Philippines Professor Clarita Carlos, isang political analyst, dapat mag-shift gear na ang Pangulo.

Sa interview ng DZRH’s OneOnOne, sinabi ni Carlos, dapat mag-focus na sa ekonomiya ang Pangulo.

Pahirap na ang mataas na presyo ng mga bilihin at paglobo ng inflation at ayon kay Carlos, ito dapat ang inaatupag ng Palasyo.

Samantalahin anya ang mataas pa rin na kumpiyansa sa kanya ng publiko dahilan kaya nahihirapan ang ilang grupo na makumbinsi ang mga mamamayan na mag-rally at ipanawagan ang pagpapatalsik sa Pangulo.

Sabi ni Carlos, wag nang pag-aksayahan ng panahon si Senator Antonio Trillanes IV.

Ipaubaya nya na ito sa Department of Justice.

Paliwanag ni Carlos, normal lang na mag-ingay si Trillanes at oposisyon, bahagi ito ng demokrasya.

Payo pa ni Carlos, wag padi-distract sa political noise. Mas pakinggan ang nakararaming mamamayan na hindi man nag-iingay pero hinintay ang gagawin ng gobyerno sa mga isyung may kinalaman sa sikmura.

Teka, sino ba nakaisip sa Palasyo na tawaging tete-a-tete sa halip na address to the nation ang mga pahayag ng Pangulo?

Bukod sa mahirap i-pronounce at mag-go-Google ka pa para alamin ang meaning ng tete-a-tete, o private conversation between two people, pagkakataon ang airtime sa radyo at telebisyon na marinig ang polisiya na may kinalaman sa sikmura.