metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Galunggong noon at ngayon

328

By: Milky B. Rigonan

Gasgas na gasgas ang isyu sa presyo ng galunggong sa kasagsagan ng kampanya noong 1986 snap election.

Ginamit ni dating Pangulong Corazon Aquino ang presyo ng galunggong sa kanyang kampanya laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Noon, naging barometro ng ekonomiya ng bansa ang presyo ng galunggong nang umakyat sa P12 kada kilo ang presyo nito sa palengke.

Naging dahilan para isigaw ng mga maka-Cory na “Sobra na, tama na, palitan na”!

Fast forward, ngayong 2018, umaabot na sa P160-P200 kada kilo ang presyo ng galunggong sa palengke kaya naman wala na itong karapatan ngayon tawagin na “poor man’s fish”.

Di lang mataas ang presyo ngayon ng galunggong, isyu din ang formalin na taglay umano ng mga imported at frozen G-G na binabagsak sa mga palengke.

Di na bago ang importasyon ng G-G. Matagal nang umaangkat ng galunggong ang Pilipinas mula sa China at Taiwan. Nabibili ito ng gobyerno ng mura pero ibinebenta naman ng mahal sa wet market.

Sa kabila din ng pangamba sa taglay nitong formalin para umano mapanatiling mukhang sariwa ang inaangkat na mga galunggong, tuloy ang importasyon ng Department of Agriculture simula September 1.

Hindi lamang banta sa kalusugan ang concern ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) kundi ang epekto ng importasyon sa kita ng mga local fishermen.

Naniniwala ang PAMALAKAYA na hindi solusyon ang importation ng metrikong tonelada ng galunggong para ma-stabilize ang presyo at supply nito sa pamilihan.

Sa import licenses na ini-issue ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa mga Filipino importers, ang G-G ay dapat ibebenta sa mga institutional buyers gaya ng mga canneries, factories at restaurants. Pero, hindi ito nangyayari. Sa halip, nada-divert ang supply sa mga palengke, namamanipula ang presyo kaya umaabot sa halos P200 kada kilo.

Double whammy sa mga consumer dahil base sa mga report, malakas ang monopolya ng ilang importers sa distribution at presyo ng G-G at iba pang ini-import na mga isda gaya ng dilis at tamban.

Tulad ng galunggong, may epekto sa sistema ng administrasyong Duterte ang mataas ang presyo ng bigas at kakarampot na supply ng NFA rice.

Ito ang tamang panahon para seryosong tutukan ng Palasyo ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng basic commodities, mas katanggap-tanggap sa publiko na marinig mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga may kinalaman sa sikmura ni Juan dela Cruz.

Dapat ang template na ng Malacanang ay ang focus kung papaano magkakaroon ng disenteng makakain sa hapag kainan ang bawat pamilyang Filipino.

Dapat tutukan din ang hocus-pocus sa importasyon ng isda at iba pang basic commodities. Sabi nga, mas pinalakas na ngayon ang batas laban sa mga profiteers pero bakit wala pang naisasampang kaso na economic sabotage laban sa mga madadaya at mapagsamamantalang negosyante.

Dose pesos kada kilo noong panahon ni Tita Cory ang presyo ng galunggong pero umaalma na ang publiko. Eh ano pa kaya ngayon? Umaabot na sa halos P200 kada kilo ang presyo nito sa pamilihan.

Idagdag pa diyan ang mataas ng presyo ng bigas at kakapusan umano ng supply nito sa ilang panig ng bansa.

Galunggong and rice economics?

Basta, ibang usapin kung kumalam na ang sikmura ni Juan dela Cruz.