metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Ang salitang “charity work at sensitivity issue”

130

Hindi siguro magiging malaking isyu ang magarbong Christmas party kung hindi Philippine Charity Sweepstakes Office ang involved.

Pagdating kasi sa pagtulong sa mga mahihirap at may sakit, PCSO agad ang maaalala ng publiko na agad takbuhan ng mga nangangailangan.

P14-M ang pondong inilaan sa Christmas party ng PCSO at sa paliwanag ni General Manager Alexander Balutan sa kabuuang halaga, P6-M lang ang nagastos.

Utang na loob pa ba ito ng mga taxpayer dahil hindi nagastos ang P14M na allotted para sa PCSO Christmas party?

Isla Ballroom ng Edsa Shang-rila ang venue ng PCSO Christmas party. Katuwiran ni Balutan, para ma-accommodate daw ang 1,500 employees na umattend.

Ilan sa paliwanag ng PCSO:

-pasasalamat sa kanilang mga empleyado ang idinaos na Christmas party dahil sa ilalim daw ng liderato ni Balutan, naitala ang pinakamalaking revenue ng PCSO sa halagang sa P51-B;

-dahil walang bonus ang mga empleyado naglaan ng pa-raffle na umabot sa P600,000;

-pinakamalaking budget na inilaan ay sa catering, refreshments at bayad sa venue

-napili ang Edsa Shang dahil sa proximity o lapit nito sa PCSO office sa Shaw Blvd.

Hindi inaalis ng publiko ang karapatan ng PCSO na magdaos ng Christmas party para sa kanilang mga empleyado.

Pero napaka-insensitive naman kung aabot ng P6M para sa isang gabi na salo-salo at kasayahan.

Ilan pa sa mga tanong, bakit inaprubahan ng Department of Budget and Management ang napakalaking halaga para sa Christmas party lang?

Halata rin “drawing” ang paliwanag ni PCSO Director Sandra Cam na nakita niya lang na pakalat-kalat ang memorandum tungkol sa Christmas party ng PCSO kaya agad niyang pina-check sa kanyang staff kung may katotohanan ang paglalaan ng naturang halaga.

Totoo bang may nag-leak ng naturang dokumento kay Cam para mabulgar ang gastos ng PCSO sa kanilang Christmas party? May mga hakbang ba para matanggal si Balutan?

Ilang araw nang maingay ang isyung ito sa media at social media pero nakapagtataka, wala pang direktang reaksiyon si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito mas lalong kinakabahan ang mga taga-PCSO sa pananahimik ni Pangulong Duterte.

Kung sa mga opisyal ng gobyerno, agad na sinibak ng Pangulo ang mga mahilig magbiyahe gamit ang pera ng kanilang mga ahensiya, ganito rin kaya ang magiging aksiyon ni President Digong?

Wala rin kasi itong pinag-iba sa paglustay sa pondo ng isang ahensiya.

Dahil nananahimik pa si Pangulong Duterte sa naturang isyu, pinayuhan din umano si Balutan ng kanyang mga opisyal sa PCSO na manahimik at hintayin ang desisyon ng Malacanang.

Timing ba ang hinihintay ng Pangulo at palilipasin muna ang Pasko bago magdesisyon sa kontrobersiya sa PCSO?

Charity work ang mandate ng PCSO at ito ang ang nakalimutan nila habang busy sa pagpa-plano ng magarbong Christmas party.

Usapin ito ng pagiging sensitive sa dinaranas ng mas maraming nangangailangan ng tulong lalo na ang mga mahihirap na maysakit na PCSO lang ang takbuhan para makakuha ng gamot at pang-ospital.